Tagalog Bibles (BIBINT)
ƒ^ƒKƒƒOŒ๊V–๑น‘


Mga Taga-Roma 15


    1Tayong malalakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi upang bigyan ng kaluguran ang ating mga sarili. 2Ito ay sapagkat ang bawat isa sa atin ay dapat magbigay-lugod sa ikatitibay ng kaniyang kapwa. 3Sapagkat maging si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Subalit ayon sa nasusulat:
       Ang pag-aalipusta nila na umaalipusta sa iyo ay
       napunta sa akin.
4Ito ay sapagkat ang anumang bagay na isinulat noong una pa ay isinulat para sa ikatututo natin upang magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapalakas-loob na mula sa kasulatan.
    5Ang Diyos ang nagbigay sa inyo ng pagtitiis at pagpapalakas-loob upang magkaroon kayo ng iisang kaisipan sa isa’t isa ayon kay Cristo Jesus. 6Gagawin niya ito upang sa nagkakaisang kaisipan at nagkakaisang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
    7Kaya nga, upang maluwalhati ang Diyos, tanggapin ninyo ang bawat isa ayon sa paraan ng pagtanggap sa atin ni Cristo. 8Ngunit sinasabi: Si Jesucristo ay naging tagapaglingkod ng mga nasa pagtutuli para sa katotohanan ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako ng Diyos na ibinigay niya sa mga ninuno. 9At upang ang mga Gentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kaniyang kahabagan. Ayon sa nasusulat:
       Dahil dito ihahayag kita sa mga Gentil at ako ay
       aawit ng papuri sa iyong pangalan.
10Muli ay sinabi ng kautusan:
       Kayong mga Gentil, magalak kayong kasama ng
       kaniyang mga tao.
11At muli:
       Kayong lahat ng mga Gentil, purihin ninyo ang
       Panginoon. Kayong lahat ng mga tao, purihin
       ninyo siya.
12Muli ay sinabi ni Isaias:
       Magkakaroon ng ugat ni Jesse. Siya ang titindig
       upang maghari sa mga Gentil. Sa kaniya aasa
       ang mga Gentil.
    13Sa inyong pagsampalataya, mapupuno kayo ng kagalakan at kapayapaan. Gagawin ito sa inyo ng Diyos ng pag-asa upang sumagana kayo sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Si Pablo ang Tagapaglingkod sa mga Gentil
    14Mga kapatid, ako sa aking sarili ay nakakatiyak na kayo rin ay puno ng kabutihan at ng lahat ng kaalaman. At maari na kayong magbigay ng payo sa isa’t isa. 15Mga kapatid, patungkol sa ilang mga bagay, ako ay sumulat sa inyo na may katapangan bilang paala-ala sa inyo dahil sa biyaya na ibinigay sa akin ng Diyos. 16Biniyayaan ako ng Diyos na maging natatanging tagapaglingkod ni Jesucristo sa mga Gentil upang paglingkuran ko nang may kabanalan ang ebanghelyo ng Diyos. Ito ay upang ang paghain ng mga Gentil, na pinabanal ng Banal na Espiritu, ay maging katanggap-tanggap.
    17Dahil dito mayroon akong dahilan upang ipagmalaki, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang mga bagay na patungkol sa Diyos. 18Hindi ako maglakas-loob na magsalita ng mga bagay na hindi ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko upang ang mga Gentil ay sumunod sa pamamagitan ng salita at gawa. 19Ito rin ay upang sumunod ang mga Gentil sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala, ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya nga, sa ganang akin, mula sa Jerusalem hanggang sa palibot ng Iliricum ay naipangaral ko na nang lubos ang ebanghelyo ni Cristo. 20Kaya nga, lubos kong minimithi na maipangaral ang ebanghelyo, hindi sa mga dakong kilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa saligang itinayo ng iba. 21Subalit ayon sa nasusulat:
       Sa kanila na hindi pa naisasaysay ang mga
       patungkol sa kaniya, sila ay makakakita. Sila na
       hindi pa nakarinig, sila ay makakaunawa.
22Dahil sa mga bagay na ito, ako ay madalas mahadlangan sa pagpunta sa inyo.

Ang Balak na Pagdalaw ni Pablo sa Roma
    23Sa ngayon wala na akong kalalagyan sa mga lalawigang ito. Maraming taon na rin akong nananabik na pumunta sa inyo. 24Kapag ako ay makapunta sa Espanya, pupunta ako sa inyo sapagkat inaasahan kong makita kayo sa aking paglalakbay at matulungan ninyo ako sa patuloy kong paglalakbay. Ito ay pagkatapos na magkaroon ako ng kasiyahan sa ating pagsasama-sama. 25Sa ngayon, ako ay papunta sa Jerusalem upang maglingkod sa mga banal. 26Ito ay sapagkat isang kaluguran sa mga taga-Macedonia at sa mga taga-Acaya ang makapagbigay ng kaloob sa pagsasama-sama ng mga mahihirap sa mga banal na nasa Jerusalem. 27Nalugod sila sa paggawa nito at ito ay ibinilang nilang pagkakautang nila sa kanila sapagkat ang mga Gentil ay naging kabahagi ng mga Judio sa kanilang espirituwal na pagpapala. Kaya naman ang mga Gentil ay dapat na maglingkod sa mga Judio sa mga bagay na ukol sa katawan. 28Kaya nga, tatapusin ko ang tungkuling ito at titiyakin kong matanggap nila ang bungang ito. Pagkatapos, dadaan ako sa inyo pagpunta ko sa Espanya. 29Natitiyak kong sa pagpunta ko sa inyo, pupunta ako sa kapuspusan ng biyaya ng ebanghelyo ni Cristo.
    30Mga kapatid, namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng pag-ibig mula sa Espiritu. Ipinamamanhik kong samahan ninyo akong magsikap sa pananalangin sa Diyos para sa akin. 31Ipanalangin ninyo na ako ay maligtas mula sa mga sumusuway sa Diyos na nasa Judea. At nang ang aking paglilingkod sa Jerusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga banal na naroroon. 32Ipanalangin ninyo na ako ay makapunta sa inyo na may kagalakan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at makapagpahingang kasama ninyo. 33Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang sumainyong lahat. Siya nawa.


Tagalog Bible Menu